Kahulugan ng Panitikan – Brimestone Academy Inc.
Panitikan ang tawag natin sa lahat ng uri ng pahayag, nakasulat man ito, binibigkas o kahit ipinahihiwatig lang ng aksyon ngunit may takdang anyo o porma katulad ng tula, maikling kwento, dula, nobela at sanaysay.
Nakikilala natin na ang isang pahayag ay may katangiang pampanitikan kapag ito ay may anyo at gumagamit ng wikang sinadyangng bigyang-anyo bilang pahayag.
Ang totoo, Lahat ng pantikan magmula pa sa sinaunang panahon hanggang ngayon ay mauugat pa sa paggamit ng wika. Nang matutong magsalita ang tao at buuin niya ang karanasan sa bisa ng pagbigkas at pagsulat, nagkaroon ng panitikan. Nang likumin ng tao ang kanyang mga gunita at nagkaroon ng
sistematikong paraan ng pagsulat at pagbasa, nakalikha ng mga teksto. Sa pagunlad ng teknolohiya ng komunikasyon, nagawang maiparating sa iba ang ganitong mga teksto. Ang imbensyon ng panitikan sa gayon, ay kaakibat ng pagpapalaganap nat pag-unlad ng wika o, ng kahit anumang wika. (Santiago, Lilia Q.Mga panitikan ng Pilipinas.C & E Publishing House. Quezon City.2007)
Nanggaling ang salitang panitikan mula sa ‘pang|titik|an’, kung saan ikinabit ang unlaping pang- at hulaping -an sa ugat na titik. Ang may-bahid kanluraning salitang literatura ang isa pang katawagan para sa larangan ng panitikan. Nagmula ang salitang literatura sa salitang Latin – littera – na nangangahulugang “titik”. (http://groups.yahoo.com/group/pinoy_manunulat/message/496)
May iba’t ibang mga manunulat at mga dalubahasang Pilipino ang nagbigay ng kahulugan sa panitikan ayon sa kanilang pananaw bilang mamamayan ng Pilipinas. Kabilang sa mga ito sina Joey Arrogante, Zeus Salazar, at Patronicio V. Villafuerte, bukod pa sa iba.
Noong 1983, para kay Arrogante, isang talaan ng buhay ang panitikan kung saan nagsisiwalat ang isang tao ng mga bagay na kaugnay ng napupuna niyang kulay ng buhay at buhay sa kanyang daigdig na
kinabibilangan. Ginagawa ito ng isang tao sa pamamagitan ng malikhaing pamamaraan.
Noong 1995, inilarawan ni Salazar ang panitikan bilang isang lakas na nagpapagalaw sa lipunan. Dinagdag pa niyang isa itong kasangkapang makapangyarihan na maaaring magpalaya sa isang ideyang nagpupumiglas upang makawala. Para sa kanya, isa rin itong kakaibang karanasang pantaong natatangi sa sangkatauhan.
Download Layunin, mga Salik at Kahulugan ng Panitikan Full Document, click here